ANG WIKANG FILIPINO SA AKADEMYA
January 11, 2008Ni Dr. Amalia Cullarin Rosales
Pambansang Panayam ng SANGFIL, Agosto 7, 1998
PUP, Sta. Mesa, Maynila
Nais kong batiin ang pamunuan ng SANGFIL sa pagdaraos ng mga gawaing tulad nito kung saan ay nagkakasama-sama ang mga nagmamalasakit sa ating wikang pambansa upang ito ay mapayabong at maging wika hindi lamang ng iilanmg lalawigan kundi ng buong bansa. Ang tema ng inyong kumperensiya ngayong taong ito, Ang Wika sa nagkakaisang Republika ay tunay na mapanghamon. Mapanghamon, sapagka’t napakaraming balakid ang susuungin ng mga nagmamalasakit sa wikang Filipino upang maisakatuparan ang adhikaing ito. Bagama’t nakatagpo tayo ng kasangga sa katauhan ng Pangulong Estrada sa ating adhikaing pagpapalaganap sa wikang Filipino bilang wikang dapat na gamitin sa mga paaralan, mga tanggapan ng pamahalaan, Kongreso at pakikipag-ugnayang panlabas, ay damang-dama naman ang pagtutol ng ilang mga kilalang tao na ang wikang Filipino ay gawing wika ng pagtuturo at pakipagtalastasan ng ating pamahalaan.
Kung nanood kayo ng balita sa telebisyon kagabi, nakapanlulumo para sa mga nagmamalasakit sa wikang Filipino ang mga katagang namutawi sa labi ng ating Kalihim ng Edukasyon, Kultura at Isports, ganoon din mula sa ilang pinuno ng mga paaralang ang mga pangunahing mag-aaral ay anak ng mayayaman. Mahirap daw na isagawa ito! Magastos!
Kung gantio ang reaksyon ng mga taong dapat na manguna sa pagsuporta sa adhikain ng ating Pangulo, ano na ang kahihinatnan ng ating mga mithiin para sa wikang Filipino? Nais ko na lamang na tumingala sa langit at hilingin sa Panginoon na pasukin ng banal na ispiritu ang diwa at puso ng mga taong may ganitong pananaw upang mabago ang kanilang paniniwala.
II. MGA KATANUNGAN SA PAGGAMIT NG
WIKANG FILIPINO SA AKADEMYA
Ang paksang naibigay sa akin ay wikang Filipino sa Akademya. Sa pagtalakay ko sa paksang ito ay nais kong ihain sa inyo ang mga sumusunod na katanungan:
1. Gaano na ba kalawak ang paggamit ng wikang Filipino bilang wika ng Akademya?
2. Mas epektibo ba ang paggamit ng wikang Filipino kaysa sa Ingles sa pagtuturo?
3. Ano ba ang pananaw ng mga mag-aaral hinggil sa paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo?
4. May malaki bang papel ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo upang mahubog ang pagkabansa o nasyobnalismo ng mga mamamayan?
5. Mapagtatagumpayan ba ng mga nagmamalasakit sa wikang Filipino na ito ay tunay na malawakang magamit?
Sa unang katanungan kung gaano na kalawak ang paggamit ng wikang Filipino sa akademya, wala akong tiyak na datos na maihahain. Subali’t kung pagbabatayan ang sinasabi sa aklat na The Philippines: A Unique Nation ni Sonia Zaide, edisyong 1997, pahina 20, na nagsasaad na ang gumagamit ng Filipino sa buong kapuluan 1y 23.02%, samantalang ang Cebuano ay 24.38%, masasabing hindi pa rin malawak ang pagagamit nito sa akademya. Sa kasalukuyan, ang Pamantasan ng Pilipinas pa lamang ang tunay na nagpapatupad ng pagagmit nito bilang wikang panturo at pakikipagtalastasan. Sinabi kong nagpapatupad ng paggamit ng wikang Filipino, sapagka’t ang Pangulo ng pamantasan ay nagpalabas ng kautusan tungkol dito. Kapansin-pansin din na ang mga pangalan ng mga tanggapan at iba pang pagkikilanlan sa mga gusali sa UP ay nasa wikang Filipino. Sa pakikipagtalastasan nila sa mga tanggapan at iba pang paaralan, ang UP ay gumagamit din ng wikang Filipino. Nakatutuwa ring pakinggan ang pagsagot nila sa telepono kqpag ikaw ay tumatawag sa kanilang tanggapan. Ang maririnig mo ay Tanggapan ng Pangulo, magandang umaga. Nang una ko itong marinig, may haplos na tuwa itong dinala sa aking puso at masaya rin akong sumagot ng Magandang umaga. Ako po si Dr. Rosales. Maaari po bang makausap si______.
Dito, sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, hindi pa masyadong malawak ang paggamit ng Filipino. May mga nagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas na Ingles ang ginagamit kung kaya tinawag ko ang pansin ng Tagapamuno ng kagawaran ng Kasaysayan at pinagsabihan na ipatupad ang paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng kasaysayan.
Ang pakikipagtalastasan ay hindi rin isinasagawa sa wikang Filipino kundi sa wikang Ingles. Wala ring ipinalabas na kautusan na gamitin ang wikang Filipino sa pakikipagtalastasan. Marahil ay napapanahon na, na ang wikang Filipino ay malawakang magamit sa PUP. Maaari na marahil na ito ay maisakatuparan sapagka’t noong dumalaw dito si pangulong Estrada ay binigyang diin niya ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo at pakikipagtalastasan.
Nais kong banggitin sa puntong ito ang isang pangyayari kaugnay ng paggamit ng wikang Filipino sa akademya. Ito ay nangyari sa isa sa mga guro ng PUP na masigasig na tagapagtaguyod ng wikang Filipino. Sa ilalim ng PASUC evaluation, ang isang bagong full professor ay kinakailangang magdaan sa PASUC Accreditation Committee para sa mga bagong propesor. Ang taong tinutukoy ko ay tumangging gumamit ng wikang Ingles sa pagsagot sa mga tanong sa kanya sa oral at written examiantions. Pinanindigan niya ang paggamit ng wikang Filipino. Walang nagawa ang mga nasa Accreditation Committee. Napailing na lamang sila at tinaggap ang wikang ginamit ng gurong aking tinutukoy.
Sa pangalawang katanungan, mas epektibo ba ang paggamit ng wikang Filipino kaysa Ingles sa pagtuturo?
Bagama’t sa personal kong karanasan ay napatunayan ko na higit na mabisa o epektibo para sa higit na ikauunawa ng mga mag-aaral ang paggamit ng wikang Filipino, ninais ko paring magsagawa ng sarili kkong pananaliksik hinggil ditto. Naginterbyu ako ng mga guro, hindi lamang iyonmg mga nagtuturo ng agham panlipunan, kundi ganoon din ang mga gurong nagtuturo ng Ingles.
Ayon sa mga guro ng sikolohiya:
Filipino ang wikang gustong gamitin ng mga bata. Mas higit silang nakakarelate.
Kapag pinagsasalita sa Filipino, hindi takot ng mga bata na baka sila magkamali. Kapag Ingles, ag-aalala sila na baka mali ang kanilang bigkas o amit ng Ingles. Kaya, kapg nagkamali sila, ayaw a nilang magsalita, nagkakaroon sila ng inhibisyon.
Kung nais ng guro na maging epektibo ang ata sa paglahok sa diskusyon, pabayaan silang magsalita sa Filipino.
Mas naiintindihan ng mga bata kung Pilipino ang gamit sa pagtalakay ng mga aralin; mas malawak ang inter-action, mas nakakapag-express sila ng sarili nila.
Ayon naman sa ilang guro ng Ingles na aking kinapanayam, bagama’t Ingles daw ang kanilang asignatura, ang mga halimbawa nila ay isinasalin pa nila sa Filipino upang higit na maunawaan. Ganoon din daw ang kanilang pagpapaliwanag.
Isa namang iskolar na guro ng sikolohiya ang nagbigay sa akin ng kanyang paniniwala hinggil sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo. Ayon sa kanya, ang wikang Filipino ay dapat na gamiting medyum ng pagtuturo sapagka’t ito ang wikang unang nakagisnan nangg higit na maraming bilang ng mga mag-aaral; na ang kaisipan ng mga mag-aaral ay nakaabot na sa antas kung saan ay magagamit niya ang wikang Filipino sa pagpapahayag ng kanyang kaisipan, damdamin, takot, pangarap, pag-asa at iba pang damdamin. Sa pagpapatuloy niya sa kanyang pahayag na nais kong basahin sa wikang ginamit niya, ang wikang Ingles, ay ganito pa ang kanyang sinabi:
This level of language usage usually approximates his mental capability, and as such, it is already the logical choice of a medium in comprehending abstract academic concepts. Introducing new abstract concepts in a different language will be an intellectual setback for a student who has to grope with a new medium to understand and express the new concepts he is trying to learn.
Sa banding huli ng kanyang nakasulat na pahayag sa paniniwala niya sa pagagmit ng wikang Filipino ay ganito ang sinabi ng guro ng sikolohiya na tinutukoy ko:
The fact that I am expressing my thoughts in English while arguing for the use of Filipino in schools, already reflects the confusion and painful struggle I had to go through as I groped through two languages in my early years of education.
Kaugnay nito, may mga pag-aaral na isinagawa na nagpapatunay na ang mga bata na tinuruang bumasa sa pamamagitan ng kinagisnan nilang wika, ang Filipino, sa kasong ito, ay may higit na kahusayang bumasa at umunawa, higit na mabilis ang pang-kaisipang pag-unlad kaysa mga mag-aaral na ang sosyolohikal at pangkabuhayang antas ng pamumuhay ay katulad din ng mga batang nabanggit na tinuruang bumasa sa Ingles kahit na nga ang una o maaaring ang tangi nilang wika na ginagamit sapul pagkabata ay Filipino. Ito ay sapagka’t ang unang edukasyon ay nakatutok sa paghubog ng kaalamang pandama (perceptual knowledge), at sapagka’t ang bata ay nakikita ang kanilang kapaligiran sa pamamagitan ng kanilang limang pandama (five senses) at ipinahahayag ang kaalamang ito sa pamamagitan ng kanilang unang wikang natutunan, mas mabilis ang kanilang pagkatuto sa pamamagitan ng paggamit ng wikang kanilang nakasanayan.
Sa bahagi naman ng mga mag-aaral ay ganito ang kanilang sinabi kaugnay ng paggamit ng Filipino bilang wika ng pagtuturo sa mga paaralan:
Mas nagkakaroon nang madaling pagkakaunawan ang mga Pilipino; mas dadami ang gagamit ng Filipino at higit itong mamahalin ng mga mamamayan; magandang pamamaraan ang paggamit ng Filipino sa pagtuturo upang mapaunlad ang wikang ito; mas maipapahayag ng mga mag-aaral ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng wikang ito.
Bagama’t may mga ganitong pahayag ang mga mag-aaral na aking kinapanayam at hiningan ng nakasulat na pananaw hinggil sa paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo, ay nagkakaisa naman sila sa pagsasabi na mahirap din kung Filipino ang gagamitin sa lahat ng asignatura sapagka’t nangangahulugan ito ng pagsasaisantabi sa wikang Ingles. Apatnapu’t walo sa limampung mag-aaral na aking kinapanayam ang nagsabi na hindi dapat mangyari ito sapagka’t ang Ingles ang wikang kailangan para sa pandaigdig napakikipagtalastasan. Naniniwala rin ang apatnapung mag-aaral na ito na mas higit ang tsansa nila na madaling magkatrabaho kung magaling sila sa wikang Ingles. Sa madaling salita, bagama’t naniniwala sila sa pagpapahalaga sa wikang Filipino, hindi naman nila nais na maisaisantabi ang Ingles. Hindi natin masisisi ang mga kabataang ito sapagka’t ang kanilang siansabi ay siyang katotohanan. Sa pag-aaply nga naman ng trabaho, sila ay iniinterbyu sa pamamagitan ng wikang Ingles; ang ifnormatyion sheet ay nakasulat din sa wikang Ingles kaya Ingles din ang kanilang kailangang sagot. Sa mga pagsusulit ay na ibinibigay sa kanila sa mga tanggapang kanilang pinag-aaplayan ay Ingles din ang mga tanong. Paano nga naman nila maibubuhos ang kanilang puso sa wikang Filipino? Sa mga sagot ng mga kabataang ito, ay maliwanag na sinasabi nila na gamitin lamang ang Filipino sa mga asignaturang Filipino at agham panlipunan . Tunay na itio ay isang nakalulungkot na rebelasyon mula na rin sa ating mga mag-aaral.
Abng kasunod na katanungan ay kung may malaking papel ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo sa paghubog ng nasyonalismo o pagkabansa ng mga mamamayan. Ang aking sagot sa tanong na ito ay isang naghuhumiyaw na OO. Naniniwala ako na napakalaki ng magagawa ng wika sa paghubog ng pagkabansa o nasyonalsimo at sa pagtatanim ng matinding pagmamalaki sa pamana n gating lahi. Nahihirapan akong maunawaan ang paniniwala ng marami na ang isang taio na nakapagsasalita ng wikang Ingles nang buong husay kagaya ng isang native-born American ay nagtataglay din ng nasyonalsimong kapantay ng isang tao na nagsasalita, sumusulat at nag-iisip sa Filipino. Nininiwala ako na hindi lamang paraan ng pagpapahayag ang wika. Higit pa rito ang sinasakop nito. Sabi nga ng iskolar na sosyolohista na aking kinapanayam:
Language involves complex thought process, such that a person can speak good and correct English because he thinks in English. And when he had already achieved that level of language facility – thinking in English - he has internalized not just the language but the culture’s thought processes as well. Thus, it wont be wrong to say that he is part American in thoughts.
Ang huling katanungan ay kung mapagtagumpayan ng mga nagmamalasakit sa wikang Filipino na ito ay malawakang magamit at tunay na maging wika hindi lamang sa pagtuturo kundi sa mga tanggapan man ng pamahalaan mula sa ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura, mainam na tingnan natin ang mga sumusunod na pangyayari:
- Sa pagsasalita ng pangulong Estrada sa paaralang ito noong Martes, Agosto 4, 1998, ay sinabi ng Pangulo ang kanyang matibay na hangarin na ng wikang Filipino ay pamukadkkarin bilang wika ng kanyang pamahalaan. Sinasaludihan natin ang Pangulo sa kanyang adhikaing ito. Ang nakalulungkot lamang, ang ilan sa ating mga kagalang-galang at mga makabayan daw na mambabatas ay nagpahayag kaagad ng pagtutol sa adhikaing ito ng Pangulo. Sa isyu ng Philippine Daily Inquirer kahapon ay ipinahayag ng dalawang mambabatas, sina Kinatawan Joker Arroyo ng Makti at Raul Gonzzles ng Iloilo, na lalabag sa batas ang Pangulong Estrada kapag iniutos niya ang ekslusibong paggamit ng Filipino sa mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan. Sinabi ni Arroyo ang ganito: any move to shift the emphasis to Filipino as the sole official language resides with Congress, especially the House.
- Isa pang maliwanag na indikasyon nang pagkakaroon nang mahirap na pagtatagumpay sa adhikaing paggamit ng wikang Filipino nang malawakan ay ang paghahain ni Kinatawan Efren Herrera ng Cebu ng House Bill No. 1367 na nagtataguyod na palaganapin ng mga pampubliko at pribadong paaralan ang paggamit ng Ingles ng mga mag-aaral. Sng panukalang batas na ito ay bilang tugon sa resulta ng pag-aaral na ipinalabas ni Kalihim Andrew Gonzales na siang milyon o 20% ng mga mag-aaral sa sekondarya ang hindi nakapagsasalita at nakasusulat sa Ingles. Malaki rin ang porsiyento ng hindi nakapagsasalita at nakasusulat sa tamang Filipino.! May hakbang bang isinagawa kaugnay nito? Wala!
Sinabi pa rin ni Herrera ang ganito: students in all levela and social classes should be urged to polish their English during and outside class hours and while within the campus and that parent-teacher association could be deputized to ensure the strict implementation of the proposed law.
- Ang pagtutol sa paggamit ng Filipino sa Kongreso ay ipinakita rin ni Kinatawan Douglas Cagas ng Davao del Sur, nang gamitin nina Kinatawan Michael Defensor ang wikang Filipino sa pagbibigay ng pribilehiyong talumpati at magtanong naman sa pamamagitan din ng wikang Filipino sina Kinatawan Bella Angara Castillo at Kinatawan Romeo Candazo. Sinabi ni Kinatawan Cagas na hindi maiintindihan ng mga katulad niya ang pinag-uusapan kung Filipino ang wikang gagamitin.
III. PAGWAWAKAS
Sa takbo ng mga pangyayari na may kinalaman sa wikang Filipino, hindi ko maiwasang balikan sa aking isip ang ipinahayag ni Kinatawan Titong Roces noong 1956 habang pinagdidibatihan at nagiging sanhi ng pambansang pagtatalo ang tungkol sa pagtuturo ng kursong Rizal sa mga paaralan. Sa pagtatanggol sa paggamit ng pamimilit
sa pag-aaral ng Rizal ay sinabi ni Kinatawan Roces and ganito:
Sa loob ng 300 taon ay ipinilit sa atin ng mga mananakop na Kastila ang kulturang Kastila.Nang dumating ang mga Amerikano, pinilit tayo na mag-aral at magsalita ng kanilang wika. Ipinilit sa atin ang pag-aaral ng kanilang kasaysayan upang mapilitan tayongf mag-aral ng Ingles. Hinati nila tayong mga Pilipino sa dalawang grupo - ang mga nakapag-aral at ang mga mangmang. Isang halimbawa ay ang aking sarili. Nag-aral ako sa paaralan na ayon sa aking ama ay pinakamagaling na paaralan sa Pilipinas. Pinilit akong mag-aral ng wikang Ingles. Sa paaralang ito, ang pagsasalita ng Tagalog ay may kaparusahan. Dahil dito ay nakalimutan ko ang aking wika. Pagkaraan ng maraming taon ng pag-aaral, akala ko ay natupad ko na ang aking pangarap na maging kinatawan ng aking mga kababayan. Subali’t sa kauna-unahang pagkakataon, nang tyumayo ako sa kanilang harapan sa Plaza Miranda, natuklasan ko na may malaking hadlang na nakapagitan sa akain at sa aking mga kababayan. Hindi ako makapagsalita sa sarili kong wika upang ako ay kanilang maunawaaan. Nagsasalita ako sa Ingles samantalang ang unauunawaan nila ay Tagalog. Biktima ako ng kumpulsyo! Pinilit akong mag-aral ng wikang Ingles sa paaralang aking pinasukan. Dahil dito nakalimutan ko ang sarili kong wika. Ngayon, hindi ba marapat lamang na tayo ay gumamit din ng kumpulsyon para naman sa ating bayan? Nakalulungkot lamang na isipin na kapag ang kumpulsyon ay gagamitin laban sa para sa paglinang ng nasyonalsomo, kakaunti ang tumatayo upang ito ay tutulan. Subali’t kapag ito ay gagamitin upang palaganapin ang pagkamakabayan, kayraming tumatayo upang tumutol.
Ngayon, mga kabalikat sa pagpapayabonmg ng wikang Filipino, kayrami nang tumatayoa hanay ng atuing mga mambabatas at sa mga pinuno ng ating pamahalaan, kasama na ang Kagawarang ng Edukasyon, Kultura at Isports, upang tutulan ang isang adhikaing tuinay na makabayan. Tunay na ang mentalidad na kolonyal ay napakalakas pa rin sa ating mga kababayan.
Ang hamon ng inyong paksa ay hindi nagtatapos sa kumperensiyang ito. Napakabigat ng gawaing nakaatang sa inyong mga balikat. Mapagtagumpayan nawa ninyo ito.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.


